Sunday, May 27, 2007

March 8, 1995


Dalawang araw na akong nilalagnat.
Sobrang taas. Kahapon at nung makalawa nga, hirap akong bumangon. Ang lamig-lamig, eh tag-init ngayon.

Dapat may outing kami nung Monday dahil nanalo yung section namin sa basketbol. Pero di naman ako pinapayagan ni mama sa mga outing kaya di pa rin ako makakasama kahit okey ako.

Dalawang araw ko nang tinitignan yung bahay sa kabila. Nakita ko nang lumabas yung mag-lola. Naglakad lang sila papunta sa kung saan. Sila nga yung nakita ko sa simbahan. Bakit kaya hindi sila nagbubukas ng bintana? Tapos pagdating ng gabi, saradong-sarado yung bahay.

Kaninang umaga nga, habang sinisilip ko sila, napatingin sa kin yung matanda. Sa takot, nagtago ako. Ang talim ng tingin eh. Yung babae, nakayuko lang. Siya yung gusto kong makita ng mas matagal.

Papunta kami ni nanay sa doktor para magpatingin. Sana sa labas na rin kami kumain. Gusto ko ng Chickenjoy at Spaghetti.

Sana makasalubong namin sila sa baba. Gusto ko siyang makilala.

Saturday, May 26, 2007

March 5, 1995

Lagi namang nakakatamad ang misa. Tayo, luhod, upo, tayo, luhod, upo… Paulit-ulit. Matulog-tulog na nga ako habang nagbabasbas ng tinapay at alak si Father kanina. Sinusubukan ko na lang silawin ang sarili ko sa ilaw mula dun sa may entrance.


Dun ko siya nakita ng harap-harapan. Habang nagkokomyunyon ang mga tao, sumilip siya saglit sa pintuan ng katedral. Hindi ko alam kung bakit, pero alam ko nang siya yung isa sa mga babaeng bagong lipat sa bahay ni Mang Chito… Pareho kasi yung naramdaman ko dun sa simbahan, at dun sa may bintana ko nang dumungaw ako’t makita ko silang naglilipat ng mga gamit kagabi. Parang may lungkot na di ko alam kung saan nanggagaling.


Itim na itim at tuwid na tuwid ang buhok niya. Abot-bewang. Hindi siya maputi pero namumutla ang balat niya at labi. Para bang ilang araw siyang nagkulong sa loob ng bahay. Mapupungay ang mga mata niya. Pinagmasdan niya yung buong simbahan na parang nun lang siya nakakita ng simbahan sa buong buhay niya. Kupas ang damit niya. Malamang, pinaglumaan ng iba. Di mo isusuot kung binalak mo talagang magsimba.


Ilang segundo rin siyang tumayo roon, at ilang segundo ko rin siyang tinignan. Pagkatapos, isang matandang babae ang bigla na lang sumulpot sa likod niya at hinatak siya palayo ng simbahan.


Dun sa sakristi, humingi ng dispensa sa ‘kin si Boying para sa ginawa ni Abet. Napansin niya sigurong nangingitim pa yung pisngi ko. Sabi ko, kalimutan na lang iyon. Kinalimutan nga niya. Tinanong ako ni Boying kung nakita ko rin ba yung babaeng sumilip sa simbahan at sabi ko, “Oo.” Ngayon lang daw niya nakita yung babaeng yun sa buong buhay niya. Sabi ko, “Ako rin.” Gandang-ganda siya dun sa babae.


Kung ligawan kaya niya, may pag-asa kaya siya? Tanong niya sa kin.


Ang sagot ko lang, "Ewan ko. Wala pa 'kong alam sa mga ligaw-ligaw na iyan." Ang alam ko lang, nagandahan din ako sa kanya.


Hula ko, mga nasa lampas fifteen years old na siya.
Pero yung mata niya kanina.... kung tumingin-tingin sa paligid... parang mata ng one-year old. Parang bata... na matanda... na... ewan.


I
lang oras ko nang hinihintay na magbukas ang bintana sa bahay sa kabila para makita ko kung iisa nga yung babae sa simbahan at yung bago naming kapitbahay.


Wala akong napapala...

March 5, 1995

Kakagising ko lang. Hirap pa ring huminga kagabi.

May bagong lipat sa kabilang bahay. Dumating yata sila kagabi habang natutulog ako. Akala ko nga, minumulto na ako ni Mang Chito dahil sa mga kalampag na narinig ko sa kabila.

Dalawang babae yung nasilip kong naglilipat ng mga gamit. Konti lang ang dala nila. Siguro mga skwater. Yung isa, matanda na. Yung isa, siguro mga kinse anyos lang. Di ko nakita masyado yung mga mukha. Mula nang mamatay si Mang Chito, ilang tao na rin ang sumubok tumira sa bahay niya. Lagi namang napapaalis ng barangay. Siguro sandali lang din sila magtatagal diyan kung skwater nga sila.

Kumakatok na si nanay sa pinto. Pinapagbihis na ko para sa misa.

Monday, May 21, 2007

March 4, 1995

Hirap na naman akong huminga paggising ko. Parang may kung anong mabigat na nakaipit sa dibdib ko.

Maaga yung appointment namin ni mama kay Dok Flores kanina dun sa Unciano. Alas-nuwebe. Kami yata ang nagbukas ng ospital.

Hindi gaanong nagsasalita si mama kanina dun sa tricycle mula ospital pabalik ng bahay, pero buong biyaheng nakakapit yung kamay niya sa kamay ko. Nakakahiya nga eh, pero hinayaan ko na lang.

Siguro sabi ni Dok, lumalalala na ang sakit ko. Wala pa naman akong nararamdamang mas malala pa sa mga dati ko nang mga reklamo.

Mahal na araw na sa susunod na linggo. Tinititigan ko ngayon yung bahay sa tapat namin. Dati-rati, nung mas batang-bata pa ko, naglalagay lagi ng altar yung matandang nakatira diyan… si Mang Chito. Niyaya na rin niya akong kumanta ng Pasyong Mahal. Ako lang yata yung bata sa kalsada namin na sumali. Parang umuungol-ungol lang yung tunog ng kanta.

Tatlong taon nang patay si Mang Chito. Inaagiw na yung bahay niya. Walang kalaman-laman, walang nag-aalaga. Lagi akong kinikilabutan, tuwing tinitignan ko mula sa bintana ng kuwarto ko. Lalo pa ngayon… Kakabasa ko lang ng tungkol sa kapre…

Sabi sa libro: “Kapre: Isang itim at matangkad na nilalang na nakatira sa mga puno, karaniwan sa Puno ng Balete. Nanlilisik ang kanilang mga mata at mahilig sila sa tabako.”

Parang may konting usok na nagmumula dun sa puno ng Balete ni Mang Chito…

March 3, 1995

Pinagtitinginan ako sa iskul kanina dahil sa pasa ko sa mukha. Tinanong ako ni Ma’m Nory kung ano’ng nangyari. Sabi ko, nadulas ako sa bahay. Parang hindi siya naniniwala. Gusto raw nya makausap si mama. Out of town si mama, sabi ko.

Nakakahiya naman sabihing binugbog ako ng mga tambay sa kalye namin.

Huling araw ng intrams kanina. Section Makisig vs. Section Matipuno. Ang galing-galing ni Andrei, yung star player namin. Sa skor niya lang, tambak na tambak na ang Matipuno. Nung tinanong ko siya dati, sabi niya, tuturuan niya ko minsan mag-basketbol. Baka isang araw daw, makapag-slam dunk pa ko. Kukumbinsihin din daw niya si Coach na isali ako sa team. Pero last day na ng intrams, andun lang ako sa may mga upuan sa gilid… nanonood.

Sino ba ang nagsulat sa mga rules sa iskul na bawal mag-basketbol ang pilay?... na bawal turuan ng basketbol ang pilay?.... Bwisit kasi itong saklay na to… Mula nung magkaroon ako nito, lahat ng nakakapagod na bagay, bawal na sa kin. Makitaan lang nga ako ni Mama ng pawis, papagalitan na ako.

Tuwing PE, sinasabi lagi sa kin ni Coach, dun na lang daw ako sa library. Magbasa na lang daw ako dun.

Kabisado ko na lahat ng libro sa library namin… Sampu lang yata kasi yung libro dun. Yung isa, kinupit ko… Tungkol sa mga aswang. Ganda ng mga drowing! Babasahin ko ulit mamaya.

Dito lang ako ngayon buong araw sa kuwarto. Nakabantay si mama sa may pinto. Bawal ako lumabas.

March 2, 1995

Umuwi akong bugbog-sarado. Galing ako dun sa Basketbol Court. Gago kasi yung sina Abet… ayaw akong isali sa laro. Kumpleto na raw sila. Pa’no naman mangyayari yun eh lima lang sila?

At pa’no ako hindi mapipikon? Bola ko yung gamit nila. Ilang linggo din akong hindi kumain ng tanghalian sa iskul para lang mapag-ipunan yun!

Lagi na lang ganun…. Yayayain nila ko mag-basketbol, papadalhin sa kin ang bola ko, tapos pagdating dun, hindi ako isasali sa laro. Manonood na lang ako dun sa gilid hanggang matapos sila.

Tapos pag gusto ko nang umuwi, di naman nila isosoli agad yung bola. Hintayin ko na lang daw sila matapos, o kaya iwan ko na lang sa kanila.

Hindi na ‘ko nakapagpigil kanina. Sa gitna ng laro, inagaw ko na yung bola kay Boying. Akin naman yun eh. Papabayaan na sana nila ‘ko. Pero yung tarantadong si Abet, humabol pa sa kin. Sinunggaban pa ko’t sinigawan harap-harapan sa mukha. Naaalala ko pa lahat ng sinabi niya…

“Tarantado ka ah, bastusan ba ‘to?! ‘Ta ragis pasalamat ka sinasama ka pa namin kahit pilay ka!”

Nagpantig ang tenga ko, nagdilim ang paningin ko. Ayos lang na magalit siya sa kin pero gago siya, hindi niya kailangang ipamukha sa ‘king pilay ako! Nagdugo ang ilong ng loko pagbigwas ng kamao ko diretso sa ilong niya.

“Puta ragis ka ah!” At sa lakas ng pagtulak niya sa akin, humalik ang pisngi ko sa mainit at bitak-bitak na semento ng kalsada. Ilang beses niya ‘kong tinadyakan at sinipa-sipa sa katawan. Sinubukan kong lumaban pero mas malakas siya sa pagkakataong iyon.

Tumigil na lang si Abet nung dumating na yung barangay. Takbo yung buong grupo palayo sa kin… dala-dala nila yung bola ko.

Kilometro na naman ang sermon ni mama pag-uwi ko. Kelan ba raw kasi ako magtatanda? Walang kuwentang kaibigan sina Abet, sabi na naman niya. Bakit ba ko sama pa rin ng sama sa kanila tuwing niyayaya nila ako, tanong na naman niya…

Siguro kasi, kahit ganun sila… sila lang naman ang nagyayaya sa king sumama sa kanila. Di nila ko sinasali sa basktebol… Madalas, naiiwan ako pag tumatakbo sila papunta sa kung san…. Pero niyayaya nila ko. Okey na rin yun.

Di ko naman yun sinabi kay mama. Baka isipin niya, ang tanga-tanga ko. Inis na inis siya sa kin, pero may luha sa mata niya.

Gusto ko mag-sori kay mama pero hindi ko alam kung bakit. Wala naman akong kasalanan. Pero nasasaktan ko siya sa mga nangyayari sa kin.

Sori mama.